Sunday, April 23, 2006

akin...pero hindi

naadik na naman ako sa aking sariling pagiisip. Bakasyon nanaman at ninais kong huwag mag-summer classes dahil plano kong mag-review sa mga subjects ko. Ngunit, ang utak ko ay pinupuno ng iisang bagay lamang, "siya". Siya, siya at siya. Bakit ako nagkakaganito. Alam ko na napag-daanan ko na toh. Tuwing walang magawa at walang laman ang utak, wala akong ginawa kundi mag-text, nagpapalanong lumabas at puntahan siya. Alam ko sumosobra na ako. Bakit hindi ko nalang siya matanggal sa puso't isipan ko. Unti-unti akong naliliwanagan na "infatuation" lamang ito. Bakit?? Kasi nagbubuo ako ng isang tao sa aking isip na hindi naman siya talaga ganun sa totoong buhay. Parang gumagawa ako ng nobela o komiks sa pag-iisip ko at nililikha ito ng aking imahinasyon. Pakiramdam ko ay dala-dala ko siya kahit saan...kasama sa pagbiyabiyahe, habang kumakain, at bago matulog. Ngunit naroon lamang siya sa isip ko. Medyo napapansin ko na baka obsessed lang ako sa ideas ko...Umaasa at nananalangin na sana, maaring magkaroon ng bagay na namamagitan saming dalawa. Pero, kapag sinapak ko ang aking sarili at gumising sa katotohanan, hindi pala. Ni isang pagkakataon, walang pag-asa. Alam ko naman yun sa umpisa palang, pero napipigilan ng aking sariling ilusyon. Dapat ngang gumising na at sabihin sa sarili na wala talaga. Gumising sa katotohanan na hindi siya magiging akin.

Sunday, February 26, 2006

fairy tales...

Noong nakaraang dalawang linggo, naunood ako ng disney channel sa cable.. Valentine's day specials ang pinapalabas nila noon. Yung tampok na pelikula ata noon ay ung Cinderella. Naalala ko tuloy noon ung panahon ng "betamax" at hindi ko lubos maisip na buong araw kami ng mga utol ko na nanunood. Labis ang aming kagalakan sa Cinderella, Slepping Beauty at iba pang mga pelikula ng disney, ngunit habang ako ay nanunood ngayon ng mga pelikulang ito, nag-iba ang pananaw ko rito. Bakit? Napansin ko bigla na maaring mayroong prublema sa utak si Cinderella at Sleeping Beauty. Biruin mo, nakikipag-usap sila sa mga hayop? Oo, sige, kahit tayo ngyon ay nakikipag-usap sa mga hayop, pero saan ka ba nakakita ng taong nagaalaga ng mga dagang bahay. Tapos, binibihisan pa ang mga ito. Tulad din ng mga ibon...Si Cinderella talaga, parang praning noh? Ang galing pa ng mga daga...dahil sa totoong buhay wala akong balak mag-alaga ng mga daga at bibihisan ko pa. Masisipag at mababait ang mga daga. Sobrang "ironic" kung titignan mo. Mabait talaga ang mga daga ngayon..talgaga..Pwede ka ngang mag-alaga ng isang colony o kaya kung kayo ay nasa tabi ng mga kanal, para ka na ring nag-ala ng mga pusa sa laki nila. Ngunit sa cartoons, tinutulungan pa si Cinderella. Isa pa ata ay si Snow White, diyos ko po! Ang labo talaga. Isang babaeng tatanga-tanga. Pati na rin si Sleeping Beauty. Nakikipag-usap sa owl at mga squirell... Astig talaga si Walt Disney noh? Gingagawang baliw ang mga characters ng sleeping beauty.

Sabi ng kaibigan ko, "Eh kung walang makausap sina Cinderella at Sleeping Beauty..." Napaisip din ako...pero malamang ay hindi ko naman gagawin ang ganoong kahibangan noh? Kawawa nga sila ngunit medyo nakakatawang tignan dahil kahit ako, nakikipag-usap din ako sa aking sarili. Hindi ko naman pwedeng sisihin ang Disney cartoons dahil natuto akong makipag-usap sa sarili ko o di kaya sa mga hayop.

Hindi ko tuloy alam kung dapat ko ba silang intindihin o manunood nalamang ako. Bakit noong ako'y bata pa ay bilib na bilib ako sa kanila. Kailangan bang meron kang special powers upang maging katulad nila, na marunong makipag usap sa mga hayop, mas lalo na sa mga daga. Sasabihin ko na... please, huwag mo nang ngat-ngatin ang mga gamit namin dito sa bahay. O di kaya sa mga ibon na, ang cute mo, bibihisan kita.

Thursday, February 23, 2006

sino ba talaga?

Malaya ka ba kung sasabihin na ikaw ang gumagawa ng sarili mong desisyon?
Sa pagnanasang maging maligaya sa pinipili mong landas,
sigurado ka ba talaga?
Maiiwasan bang magkamali,
kahit na batid mo sa iyong sarili na iyon talaga ang nais mo?
Kung madadapa ka man,
sarili mo lang ba ang iyong ituturong may-sala,
o hahatulan ang iba?
Malaya ka ba talaga?
O bihag ka ng sarili mong pagiisip na ikaw lamang
at wala nang iba ang
sisisihin...
Mas maganda bang umasa sa gusto ng iba,
upang sila ang ituro,
o hayaan nalamang na mabilanggo sa sarilng deisisyon?
Sino ba talaga?

Sunday, February 19, 2006

Anino

Ano ang ugali ng aking anino?
Masaya rin kaya siya kapag ako ay masaya?
Malungkot din kaya siya kung ako ay malungkot?
Hindi ko pa siya kilala, ngunit alam ko na ginagaya niya ang bawat galaw ko.
Isa siyang mangagaya at wala yatang sariling pagiisip.
Laging sumusunod sa sinasabi ko,
o ng ibang tao.
Ano kaya ang itsura niya?
Itim lamang ang nakikita ko.
Bakit kapag sa liwanag ko lamang siya nakikita?
Sa dilim ay hindi ko nakikita ang kanyang mga bakas?
Nung kailangan ko ng kasama,
Iniiwan niya naman ako?
Subalit,
kung sa liwanag naman,
ay lagi ko siyang nikikita.
Bakit siya lagging nasa likuran ko?
Naroon kung saan ako magpunta.
Pero kung pagmamasadan mong maigi,
ako pala ang sarili mong anino.

Procrastination

Gumising ako kaninang umaga, inaantok pa. Parang hinahatak ako ng kama ko pababa. Malamig ang panahon at nais ko pang matulog ng matagal, ngunit mas pipiliin kong maraming magawa ngayon araw na toh. Akala ko lang yun. Hay naku! Hindi ako pumasok sa paaralan, upang gumawa ng mga bagay-bagay na hindi ko na nagagawa dati. Gaya ng pag-nood ng tv, mag sound-trip at mag-edit ng Friendster Profile ko. Pero ngayon, medyo guilty na nga ako eh..Bakit? Kasi hindi ko pinasukan ang klaseng pinepeste ako…Math..Analytic Geometry with Calculus..Hindi ko talaga gusto ang math..hindi ko alam kung bakit?? Alam ko, kakailanganin ito para sa mga magcacalculate ng mga bagay-bagay…ngunit bakit pa? Ah basta, next week prelims na at kailangan ko nang mag-aral. Naranasan ko nanaman ang tinatawag na “PROCRASTINATION.” Or pwede rin na “BAHALA NA.” Tanyag na ugali yan para sa mga Pinoy… At ngayon, sa loob ng dalawang oras, nagawa ko ang project ko para sa computer subject at nakapag-aral na rin ako sa cost accounting…ang galing noh?

Saturday, December 31, 2005

Bahala na!

Lumalala na ang mga sistema ng bawat tao.
Nalamon na sila ng telebisyon at radyo. Naiimpluwensiyahan na sila ng mga banyaga. Nasaan na ang hinihinging demokrasya? Kahit sila ay naging bilanggo ng sarili nilang mga pagiisip at prinsipyo. Kahit na sinasabi nilang nais nilang maging malaya, sinasara nila ang kanilang mga puso at isipan mula sa mga bagay na makakpag-bigay sa kanila ng kalayaan.

Sagot daw dito ay ang pagiging nationalistic? Itinanong ito noon sa isang social studies class ko noong ako ay nasa high school? Ano ang nasyonalismo? Papaano ito nakakamtan? Hindi ko rin alam ang sagot sa katanungang yan. Dahit pati ako, tumatangkilik sa likha at ideya ng mga banyaga. Kaya sa aking pananaw, ako pa rin ay bilanggo.

Sa larangan ng demokrasya sa pulitika, lumalabas ang mga tao kahit saan upang kunin muli ang nawala mula sa kanila, ngunit lalo lamang na lumalaki ang problema. Walang solusyon.

Walang solusyon dito. Kahit ako, hindi ko alam. Napakarami nang namatay at nasira ang buhay ng dahil sa pagbabago ng sistema. Sila ay nabigo.

Ako, at ang aking sistema, kapag nakakasama, pinapalitan ko, dahil mayroon ang akong karapatan at kapangyarihan na gawin ito. Pwede kong ipagpaliban ang kaisipang banyaga at yakapin ang sarili kong kultura. Pero papaano sila? Hindi nila hawak ang mga ito. Hanggang kalian sila magtitiis? Mas masaya ba sila sa ganoong sistema o ito ay kanilang sisirain.

Bahala na!

Friday, December 30, 2005

Dugo sa mga kamay

Malapit na ang bagong taon... bagong buhay at bagong pangarap...
Pagkagising ko kaninang umaga, labis ang aking pagka-muhi sa mga taong nagpapaputok.Hindi lang dahil sa maingay sila... ngunit nawawalan na ng saysay ang pagpapaputok. Alam ko na hango ito sa kultura ng mga tsino na pagpapaalis ng mga masasamang ispiritu sa ating mga tahanan. Naging kaugalian na natin ang magpaputok tuwing bagong taon at Hindi naman sa ayaw ko ng masaya ngayong bagong taon, pero dapat lang na magingmaingat ang mga tao.
Imbis na ipambili nalang nila ng pagkain o importanteng mga bagay, nilulustay nila ang kanilang
pera sa paputok. Ewan ko nga ba sa mga pilipino...
Napakarami nang napuputulan ng kamay, paa, o ano mang parte ng katawan... Nasisira ang kinabukasan, dahil lang sa isang sindi ng paputok. Hindi ko lubos maisip, na sa mga taong dumadaan lang ay nadadamay sa ka-'gaguhan' nga mga taong iresponsable sa kanilang pinaggagawa. Hay naku!
Sana ngayong taon, bumaba ang bilang ng mga naaaksidente dahil sa mga paputok. Merong mga taong nais na umayos ang kanilang buhay sa bagong taon at ang pagiging responsable sa mga aksyon ay isa rito...